11.10.11

Pasyente


Nagsimula sa simula ng salita.
Ang salitang ugat na taya
Nataya na maging matiyaga,
Hanga't ang itlog ay mailaga.

Galing ba sa hilaga
ang mahiwagang nilaga?
O di kaya sa Kanluran ata.

Ang bayan kung saan
dumadaloy ang maalat na
gatas at mapait na katas
ng mga putakting puti.

Sukatin ang bisa ng bisa,
ang papel na sukat ang
papel ng aking katauhan.
Umpisa o katapusan
ng kinabukasan.

Kinalaman ng karamdaman
sa sakit ng kalamnan
o maging daing ng isipan
tantsahin kung matatagalan
ang simpleng pasensyahan.

Parang walang katapusang
pag-ikot sa larong sungkaan.
Hatid ng paglipas ng segundong
walang siguradong ang taon
ay di sayang na panahon.

Ako'y isang pasyente
sa ospital ng pasensya..
dise-nuebeng taon na
naghihintay sa bisa
ng gamot nang katiyakan
para sa katihimikan
ng isip na walang kapalagayan,
sa katawang naaapektuhan
at sa pusong nahihirapan.

  ~mje Sunday, August 2, 2009 at 4:31pm

No comments:

Post a Comment